MANILA, Philippines - Umiskor ang mga awtoridad matapos masamsam ang aabot sa humigit kumulang na P20-M halaga ng shabu at kemikal sa isinagawang anti-drug bust operation nang salakayin ang isang drug den sa Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa.
Ayon kay CARAGA Police Spokesman Supt. Romaldo Bayting, dakong alas-7:30 ng gabi nitong Huwebes ng lusubin ng pinagsanib na operatiba ng kanilang mga tauhan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 13 ang drug den sa Nasifa Sangcopan, Brgy. Ong Yiu ng lungsod.
Gayunman, nakatakas sa operasyon ang mga pinaghihinalaang drug lord na tinukoy lamang sa mga alyas na Michael at Jepoy na nagpulasan ng takbo matapos na matunugan ang presensiya ng paparating na mga awtoridad.
Sa kabila nito, sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte ay hinalughog ng mga awtoridad ang naturang drug den at bumulaga sa mga ito ang bultu-bultong droga at mga drug paraphernalia.
Ayon kay Bayting umaabot sa 2.2 kilo ng shabu at mga kemikal na tinatayang nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P20-M ang nakumpiska ng mga operatiba gayundin ang samutsaring mga drug paraphernalia.
Nakuha rin sa raid ang P79,170.00 cash na hinihinalang pinagbentahan ng droga ng naturang mga wanted sa batas na drug lord at isang cal. 45 pistol na may magazine.