MANILA, Philippines – Dalawang kagawad ang arestado dahil sa pagtutulak ng ilegal na droga sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Bohol at Ilocos Sur.
Nakilala ang isa sa mga suspek na si Wenceslao Ramonida, 46, kagawad ng Barangay Abelihan, San Isidro, Bohol.
Sinugod ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 7- Bohol Provincial Office San Isidro Police Station at Provincial Public Safety Company-Bohol Provincial Police Office ang tahanan ni Ramonida noong Enero 19 sa bisa ng search warrant.
Nakuha ng mga awtoridad sa bahay ng suspek ang anim na pakete ng shabu, tatlong aluminum foils, tatlong lighter, cellular phone, at P600 cash.
Nahaharap si Ramonida sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), at Section 12 (Possession of Equipment and Other Paraphernalia for Dangerous Drugs) Article II ng RA 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, limang pakete naman ng shabu ang nabawi mula kay Rogelio Limbo, 42, kagawad ng Barangay Paratong, Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Bukod sa shabu, iba't ibang drug paraphernalia din ang nabawi kay Limbo at dalawang P500 bill na ginamit bilang marked money.
Pinaghahahanap naman ngayon ng mga awtoridad ang kasamahan ni Limbo na si Alex Bilog na nakatakas.