MANILA, Philippines - Nasilat ng tropa ng militar ang planong pambobomba sa isang tulay matapos na marekober ang dalawang Improvised Explosive Device (IED) na itinanim dito ng umano’y mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ni Col. Rolando Bautista, Commander ng Army’s 104th Infantry Brigade at Task Group Basilan, dakong alas-8 ng gabi ng marekober ang dalawang bomba na gawa sa 60MM at 80 MM mortar shells at nakakabit sa radio transreceiver, kung saan itinanim ito sa tulay sa kahabaan ng national highway ng Sitio Kaumpurnah, Brgy. Zone 3, Isabela City, Basilan.
Samantalang ginamitan din ito ng tig-isang pako, apat na bote ng ANFO explosives na panghalo at booster. Agad namang nagresponde sa lugar ang Explosives and Ordnance Team (EOD) team at nai-detonate.
Pinaniniwalaan namang ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng pagtatanim ng bomba sa nasabing tulay habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kasong ito.