BULACAN, Philippines – Maagang sinalubong ni kamatayan ang mister na barker matapos na pagbabarilin ng riding-in- tandem na mga armadong salarin sa Brgy. Corazon, Calumpit, Bulacan kahapon.
Ang biktimang si Albert Abrena, 36, ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Bulacan Medical Center sanhi ng tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rufino Victoria, bandang alas-6 ng umaga habang kasalukuyang nagtatawag ng mga pasahero ang biktima sa bahagi ng MacArthur highway sa naturang barangay nang biglang sumulpot ang mga suspek.
Pagtapat sa biktima ay agad pinagbabaril ng backrider na armado ng cal. 45 pistol ang biktima saka mabilis na tumakas ang mga ito sakay ng motorsiklong walang plaka. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang motibo ng pamamaslang.