ZAMBALES, Philippines – Hiniling ng pamahalaang panlalawigan ng Zambales sa Department of Agriculture na maglaan ng P200 milyong pondo para sa pagpapaunlad ng industriya ng mangga at promosyon na rin ng Zambales sweet mangoes bilang world-class na produkto.
Sa pahayag ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr., inilunsad ang workshop ng mga mango stakeholders na Prime Commodity Investment Plan (PCIP) para sa grant application sa ilalim ng Philippine Rural Development Program.
Sa panig ni Letty Viernes, manager ng Provincial Planning and Development Office, bago ang preparasyon sa PCIP ay nagsama-sama na ang mga lokal na ahensya ng Zambales upang balangkasin ang value-chain analysis para sa industriya ng pangunahing produkto ng probinsya.
Kabilang sa mga hadlang sa pag-unlad ng industriya ay ang kakulangan ng nursery para sa propagation ng indigenous mango varieties, high cost of production inputs, poor marketing at ang pagkalugi sa mga hindi naibentang ani.
“Prioridad ngayon ang pagtatayo ng mga nursery upang maparami ang indigenous varieties na Sweet Elena at King Rudolph sa Zambales,” pahayag ni Dr. Rene Mendoza, hepe ng Provincial Agriculture Office
Mahalaga rin ang pagtatayo ng processing plant sa mga sobrang mangga na maaaring maging juice drinks gayun din ang karagdagang farm-to-market roads upang mapabilis ang pag-aangkat sa mga produkto sa mga trading centers.