Police chief utas sa grupo ng tulak
CAVITE, Philippines – Napaslang ang hepe ng pulisya sa General Mariano Alvarez, Cavite matapos itong rumesponde sa grupo ng drug pusher na walang habas na nagpapaputok ng baril sa Barangay Delas Alas sa nabanggit na bayan kamakalawa ng gabi.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang napatay na opisyal ng pulisya na si P/Senior Inspector Leo Angelo Llacer habang namatay din ang isa sa drug pusher na si Mando Luminog.
Bandang alas-7:30 ng gabi nang makatanggap ng ulat ang pulisya kaugnay sa nagaganap na indiscriminate firing ng grupo ni Romeo Villaganas Jr. sa nabanggit na barangay.
Kaagad na rumesponde ang pangkat ng pulisya sa pamumuno ni P/Senior Inspector Llacer.
Nang dumating ang pangkat ng PNP sa bahay ni Villaganas ay agad nagpakilala si Llacer na hepe ng General Mariano Alvarez PNP.
Gayon pa man, isa sa mga drug pusher ang bigla na lamang nagpaputok sa bintana kung saan tinamaan sa dibdib ang nasabing hepe kaya nauwi sa shootout ang insidente.
Sa kasagsagan ng putukan ay napatay naman si Luminog kung saan inabandona ng mga kasamahan nitong mabilis na nagsitakas.
Nagawa pang maisugod sa Dela Salle Hospital si Llacer na sinasabing magdaraos ng kaarawan kahapon pero idineklara na itong patay.
Nakatakas naman si Villaganas na sinasabing notoryus na drug pusher sa nabanggit na bayan.
Narekober sa loob ng bahay ni Villaganas ang mga drug paraphernalia at iba’t ibang basyo ng mga bala ng baril kabilang ang M16 rifles.
- Latest