MANILA, Philippines – Napatay ang 49-anyos na guro makaraang pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki kung saan nasugatan naman ang 10-anyos na elementary pupil sa loob ng classroom sa bayan ng President Roxas, North Cotabato kamakalawa.
Kinilala ang guro na si Morato Ampatuan, nagtuturo sa Grade V at nakatira sa bayan ng Pagalungan.
Isinugod naman sa pagamutan ang mag-aaral na si Josephine Midtimbang na nadamay sa pamamaril sa guro.
Sa ulat ng North Cotabato PNP na isinumite sa Camp Crame, naganap ang pamamaril sa silid-aralan ng elementary school na pinagtuturuan ni Ampatuan bandang ala-1:30 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, abala sa pagtuturo si Ampatuan sa mga estudyante nang biglang pasukin at ratratin ng mga armadong lalaki.
Hindi naman napuruhan sa unang putok si Ampatuan na bumagsak at nadaganan ang mag-aaral na si Midtimbang kung saan sinundan ito ng putok ng gunmen na minalas namang tamaan ng ligaw na bala ng baril ang elementary pupil.
Mabilis namang tumakas ang gunmen matapos na mapuruhan ang biktima.
Sa tala ang pulisya, pinagbabaril at napatay din ang principal ng Pagagawan High School sa bayan ng Pikit noong nakalipas na Sabado (Enero 10).