RIZAL, Philippines – Patay ang 68-anyos na lola makaraang maatrasan at makaladkad ng kotseng sa Barangay Mayamot, Antipolo City, Rizal kahapon ng umaga. Kinilala ang biktima na si Victoria Rondilla ng Donya Jualiana Filinvest Subdivision sa nasabing barangay habang kinilala naman ang nakasagasang 72-anyos na si Amelia Valte. Ayon kay PO2 Alan Barangan, bumaba sa kotse ni Valte ang biktima kasama ang private nurse na si Lorena Capacia sa tapat ng fastfood chain sa northbound lane ng Marcos Highway. Sinasabing sa bandang likuran ng sasakyan ni Valte naglakad ang biktima subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naatrasan ito saka pumailalim at nakaladkad ng ilang metro. Maging si Valte ay nasugatan makaraang sumalpok ang kanyang kotse sa punungkahoy sa kabilang kalsada.