BATAAN, Philippines – Laging magulo, laging may nag-aaway sa sinasabing “Lupang Impiyerno” na ngayon ay tinaguriang Tagnai Homeowners Association sa Sitio San Rafael, Barangay Tuyo sa Balanga City, Bataan.
Ito ang pahayag ni Trinidad Tallorin ng Provincial Veterenary Office na asawa ni Chairman Ricardo Tallorin ng Barangay Tuyo.
“Simula ng manungkulan ang kanyang asawa noong 2011 lahat ng naitala sa blotter sa kanilang barangay ay kaguluhan at awayan laban sa pinag-aagawang limang ektaryang sakop ng Tagnai Homowners Association,” paliwanag ni Tallorin.
Sinabi pa ni Tallorin na malaking palaisipan ang pagpatay kay Ma’am Ledesma dahil ang matinding kaaway niya ay isang negosyanteng may-ari ng mga bahay sa nasabing barangay na sinasabing nakabayad na sa lupa na hanggang sa ngayon ay wala pa ring titulo.
Idinagdag pa ni Tallorin na nakasanla sa mayamang trader ang 5-ektaryang lupain na ngayon ay Tagnai Homeowners Association subali’t nabayaran na rin sa pamamagitan nila Nardy David at ni Nerlita Ledesma.
Si Nerlita “Nerlie” Ledesma na tumatayong pangulo ng THOA at reporter ng Abante newspaper ay niratrat at napatay ng riding-in-tandem gunmen noong Huwebes ng umaga (January 8) habang nag-aabang ng traysikel para pumasok sa trabaho sa kapitolyo.
Sa follow-up operation, may tatlong suspek na ang inaresto subalit hindi pa rin isiniwalat ang pagkakakilanlan dahil sa patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Samantala, nag-alok ng P.1 milyong pabuya si Bataan Governor Albert Raymond Garcia para sa mga taong makakapagbigay ng impormasyon laban sa mga suspek.