TUGUEGARAO CITY, Philippines – Sinibak na sa puwesto at nakatakdang igisa ang isang pulis na ama ng isa sa walong kalalakihang nasangkot sa indiscriminate firing noong Bagong Taon na naging viral sa facebook sa Narvacan, Ilocos Sur kamakalawa.
Kinilala ni Ilocos Sur Police Director Sr. Supt. Nestor Felix ang ngayon ay nasa Holding Unit ng Provincial PNP Office na si SPO1 Alex Gomez ng Provincial Anti Illegal Drugs Special Operations Group (PAIDSOTG).
Ang nasabing pulis ay ama ni Geronimo Gomez na kinasuhan ng alarm and scandal kaugnay sa walang habas na pagpapaputok ng baril noong kasagsagan ng Bagong Taon.
Kasamang kinasuhan ni Gomez ay sina Christopher Calixterio, Russel Funtanilla, Cezar Funtanilla, Mark RJ Cabana, Mark Cachola, Jumar Cabreros at Philip Andrew Funtanilla.
Itinanggi naman ni Felix na ang nakatatandang Gomez ay bodyguard ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson na inihayag ni Narvacan Mayor Zuriel Zaragoza sa pakikipagpalitan nito nito ng maaanghang na salita sa gobernador.
Sinabi rin ni Felix na maliban sa pagpalit kay Chief Insp. Rex Buyucan bilang hepe ng Narvacan upang sumailalim sa schooling; walang sinibak na miyembro sa lokal na pulisya. ?Si Buyucan ay pinalitan ni Sr. Insp. Jerome Sinugo bilang Officer-in-Charge. Raymund Catindig