MANILA, Philippines - Nasilat ng mga awtoridad ang tangkang pambobomba matapos marekober ang isang bomba na itinanim sa Poblacion ng bayan ng Pikit, North Cotabato kahapon.
Sa ulat ng North Cotabato Police, ang bomba ay nadiskubre dakong alas-9 ng umaga ng ilang residente sa kahabaan ng Datu Piang Street sa Poblacion ng bayang ito.
Agad namang nagresponde ang mga elemento ng pulisya bitbit ang K9 dogs na agad ikinordon ang lugar matapos na magpositibo na bomba ang itinanim dito ng mga pinaghihinalaang lokal na teroristang grupo.
Ang bomba ay mabilis namang nai-detonate ng mga Explosives and Ordnance team ng pulisya bago pa man ito makapinsala.
Nabatid na ang Improvised Explosive Device (IED) ay gawa sa rifle grenade na ginamitan ng cell phone bilang triggering device.