MANILA, Philippines - Umaabot sa 7,300 sundalo ang ipakakalat ng AFP-Central Command upang magbigay seguridad sa gaganaping Sinulog Festival sa Cebu City, Cebu sa susunod na linggo.
Ayon kay AFP Centcom Spokesman Lt. Jim Aris Alagao, partikular na tutukan ng security forces ang fluvial at foot procession sa Enero 17 at ang Sinulog Grand Parade sa Enero 18.
Simula pa noong Disyembre ay masusi nang nakikipagkoordinasyon ang Sinulog Foundation, Inc. sa AFP command para sa pagpapanatili ng peace and order sa nasabing makasaysayang okasyon.
Kabilang sa 7,300 sundalo sa Sinulog Festival ay bubuuin ng dalawang grupo sa ilalim ng Joint Task Group Sinulog.
Inihayag ni Alagao na ang Task Force Unit Sto. Niño ay mangangasiwa sa pagkontrol sa mga deboto sa fluvial procession mula sa Ouano wharf sa Mandaue City patungo sa Pier 1 ng Cebu City at maging sa prusisyon ng imahe ng Senior Sto. Niño sa Enero 17.
Samantala, ang Task Force Unit Grand Parade naman ang mangangasiwa sa crowd control sa Sinulog Grand Parade may anim na kilometro sa carousel route ng Sinulog Grand Parade sa Enero 18.
Idinagdag pa ng opisyal na bukod sa mga sundalo ay tutulong din sa pangangalaga sa Sinulog Festival ang Reserve Officers Training Corp Cadets.