MANILA, Philippines - Kalaboso at sinibak sa puwesto ang apat na pulis kabilang ang kanilang precinct commander matapos masakote na nagtutulak ng droga sa isinagawang anti-drug operations sa Barangay Habay 2, Bacoor City, Cavite kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Jonnel Estomo, Cavite PNP director ang mga sinibak na pulis na sina PO3 Paul Barrios Santoeli, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 2 sa Bacoor City PNP; PO3 Jay Salondro Ilagan, PO1 Joeyluz Pulusan at PO1 Roger Uy Reble.
Ipinag-utos ni Estomo ang pagsibak, pagsasampa ng kasong kriminal at pagsasalang sa kasong administratibo laban sa apat na tiwaling pulis.
Aminado si Estomo na dismayado siya na sa unang bugso ng taon ay may mga pulis na nasakote sa drug bust operation.
Bandang alas-11:30 ng umaga nang masakote ng mga tauhan ni P/Supt. Romano Cardino, hepe ng Police Intelligence Branch ang mga suspek sa anti-drug operations sa bisinidad ng nasabing barangay.
Nasamsam sa mga suspek ang 9-plastic sachet ng shabu (methamphetamine hydrochloride), tatlong cal. 9mm pistol, isang M16 rifle at ang berdeng Toyota Corolla (TJJ 794) na sinasabing gamit sa illegal na operasyon.
Sinasabing ginagamit din ng mga suspek ang mobile patrol car na may conduction sticker na YB6462 sa pagtutulak ng bawal na droga.
Iginiit ng mga suspek na lehitimong anti-drug operations ang kanilang inilunsad at hindi nagtutulak ng droga pero nilinaw ni Estomo na walang basbas ang nasabing mga pulis para sa nasabing operasyon.
Samantala, ipinag-utos na kahapon ni Philippine National Police Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina ang summary dismissal proceedings laban sa apat na pulis-Bacoor City.
Ang direktiba ay ipinalabas ni Espina kay PNP Regional Office (PRO) 4A Director P/Chief Supt. Jesus Gatchalian para masampahan ng kasong administratibo at kriminal ang apat.
“See to it that they do not go out of jail anymore,” ani Espina.
Kasalukuyang nakakulong sa Camp Pantaleon Garcia sa, Imus City, Cavite ang mga naarestong pulis.