TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Binasag ng vice mayor ng Tayum, Abra ang katahimikan sa kaso ng stray bullet shooting na nakapatay sa 11-anyos na nene sa Barangay Bumagcat matapos nitong isuko ang kanyang baril sa pulisya kamakalawa. ?
Hindi inakala ng ama ng biktima na si Efren Tabaday na sangkot si Vice Mayor Bienvenido Adelantar Dion Jr. sa nasabing kaso na ikinamatay ng kanyang anak na si Jercy.
?”Isa sa mga naunang dumalaw sa burol ni Jercy ay si Vice Mayor Dion subalit wala itong sinambit sa balak niyang isuko ang sariling baril,” pahayag ng ama ng biktima. ?
Sinabi ni P/Insp. Mary Grace Marron, Abra PNP spokesperson, isinuko ni Dion ang kanyang cal. 45 pistol sa hepe ng Tayum PNP na si P/Senior Insp. Daniel Bandoc na walang bala.?
Isasailalim sa ballistic examination sa PNP Crime Laboratory Service for Integrated Ballistic Identification System ang baril ni Dion.
Gayon pa man, hindi pa sumailalim si Dion sa paraffin test tulad ng isinagawa ng pulisya sa ama ng biktima at apat pa nitong kainuman noong naganap ang insidente.?
Matatandaan na nag-alok ng P.2 milyong pabuya ang pulisya at si Abra Governor Eustaquio Bersamin para sa impormasyon ng suspek sa pamamaril na naganap noong kasagsagan ng putukan sa paghihiwalay ng taon.