QUEZON, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng 36-anyos na kawani ng lokal na pamahalaan at kaibigan nito makaraang makumpiskahan ng baril na walang lisensya at shabu sa inilatag na checkpoint sa Barangay Wakas, Tayabas City, Quezon kamakalawa ng gabi.
Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Sherwin Rosales, kawani ng pamahalaang bayan ng Sariaya; at Amiel Casido, 36, mga nakatira sa Barangay Lutucan sa nasabing bayan.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Hyacinth Caliao, hepe ng Tayabas City PNP, pinahinto ng mga tauhan nina P/Insp. Dodge Benaid at P/Insp. Roger Bediba ang motorsiklo nina Rosales at Casido.
Habang nagsasagawa ng inspection si SPO1 Ramil Javierto ay napansin nito ang baril sa beywang ni Casido at nang sitahin ito ay walang maipakitang dokumento at ang cal. 38 revolver na nakalagay sa bag kasama ang ilang bala at 10-plastic sachet ng shabu.
Nasamsam naman kay Rosales ang cal. 40 pistol, mga bala at 9-plastic sachet ng shabu.