MANILA, Philippines – Umaabot sa 20 rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Figthers (BIFF) ang bumulagta matapos na makipagsagupaan sa tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Sitio Pedtad sa bayan ng General Salipada Pendatun, Maguindanao nooong Lunes.
Sa pahayag ni Captain Jo-ann Petinglay, spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division, bandang alas-6:50 ng umaga nang magpaulan ng mga bala ng howitzer ang tropa ng Army’s 601st Infantry Brigade sa pinagkukutaan ng mga rebelde.
Sumiklab ang umaatikabong palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo at mga tauhang rebelde ni Sukarno Sapal alyas Commander Jok kung saan tumagal ng dalawang oras.
Inilunsad ng tropa ng military ang operasyon matapos mabatid na nagkukuta ang grupo ng mga rebelde na sangkot sa panghaharas sa dalawang detachment ng Army’s 33rd Infantry Battalion noong Linggo (Enero 3) kung saan napatay ang isang sundalo habang dalawa naman ang nasugatan.
Matapos ang mahigit isang oras na bakbakan ay nagsitakas ang BIFF bitbit ang nasa 20 napatay na kasamahan sakay ng Bangka mula sa likuran ng kanilang kampo patungo sa Marsland area.
“Concerned citizens reported that about 20 fatalities from the BIFF were seen being carted away from the area by the retreating BIFF forces. It is believed that the incident is a big blow on the part of the terror group as the camp they lost is considered one of their main encampments,” ayon pa sa opisyal.
Nakubkob din ng militar ang malaking kampo ng BIFF na may 50-kubo at barricades, running trenches, bunkers at mga konkretong poste.
Narekober sa encounter site ang mga improvised explosive device sketches at mga sangkap na gamit ng BIFF sa paggawa ng bomba.
Wala namang nasugatan at napatay sa panig ng tropa ng sundalo habang patuloy ang operasyon laban sa mga rebelde.