MANILA, Philippines – Apat na tinedyer ang iniulat na nalunod at nabahiran ng trahedya ang outing ng kanilang mga pamilya sa karagatan ng isang beach resort sa Cauyan, Negros Occidental nitong Biyernes.
Sa ulat ni Negros Occidental Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Milko Lirazan, naganap ang insidente sa Aurino Beach sa bayan ng Cauyan dakong alas-11 ng umaga.
Kinilala ang mga nasawing biktima na magkapatid na sina Stephanie, 15; at April Rose Guimong, 13, at mga pinsan ng mga itong sina Jeselle Diaz at Reynaldo Silvera; pawang mga menor-de-edad.
Ayon sa imbestigasyon, nag-outing ang pamilya ng magpipinsan sa nasabing beach resort bilang bahagi ng pinalawig ng mga itong selebrasyon sa pagpasok ng buwan ng Enero ng taong ito.
Sa pahayag ng pamilya ng mga biktima sa mga awtoridad, masayang naglalanguyan sa dagat ang mga magpipinsang tinedyer nang tangayin ang mga ito ng malakas na alon
Ang bangkay ni Diaz ay unang narekober ng nagrespondeng rescue team, dalawang oras matapos ang insidente.
Patuloy naman ang isinasagawang search and rescue operations sa tatlo pang nawawalang magpipinsan.