P.1-M pabuya vs may-ari ng stray bullet na pumatay sa 11-anyos

MANILA, Philippines - Nag-alok na kahapon ang pribadong grupo na P.1 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon laban sa may-ari ng baril na responsable sa indiscriminate firing kung saan napatay ang 11-anyos na babae na tinamaan ng stray bullet sa ulo sa pagdiriwang ng unang araw ng 2015 sa bayan ng Tayum, Abra.

Sa phone interview, sinabi ni Cordillera PNP Director P/Chief Supt. Isagani Nerez, patuloy ang imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang biktimang si Jercy Decym Tabaday, Grade IV pupil sa Bumagcat Elementary School.

Bandang alas-12:20 ng madaling araw noong Huwebes ng madaling araw (Enero 1) ng tamaan ng ligaw na bala si Tabaday habang nakatayo sa tabi ng ama at nanonood ng putukan sa kanilang lugar sa Barangay Bumagcat sa nasabing bayan.

Binawian ng buhay ang biktima ilang oras matapos itong isugod sa pagamutan dahil napuruhan ng tama ng bala ng cal. 45 pistol sa kaniyang ulo.

Sinabi ni Nerez na ang P.1 milyong reward para maresolba ang kaso ay mula sa grupo ng Guardians Reform Advocacy & Coope­ration towards Economic Prosperity.

Naniniwala naman si Abra Governor Eustaquio Bersamin na agad na makikilala ang gunman sa liit ng lugar ng Tayum.

?Nagpaabot na ng tulong si Gov. Bersamin sa mga magulang ng biktima sa pamamagitan ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD).?

Sa tala ng pulisya, apat  ang naging biktima ng stray bullet sa Cordillera, dala­wa sa Abra kabilang ang nasawing biktima, isa sa Apayao at isa naman sa Benguet.

Samantala, nalugod naman si Nerez na sa kabuuang 4,000 puwersa ng Cordillera PNP ay wala ni isa man sa mga ito ang nasangkot sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon. Joy Cantos at Raymund Catindig

 

Show comments