MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kalagayan ang 33 –anyos na mangingisda matapos itong masabugan ng dinamita na gamit sa illegal na panghuhuli ng isda sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur kamakalawa. Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang biktimang si Muallam Hassan ng Barangay Tumitus sa nasabing lungsod. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa bahay ng biktima sa nabanggit na barangay nang maganap ang insidente. Nabatid na inilalagay ng biktima ang dinamita sa loob ng bote nang bigla na lamang itong sumambulat. Sa lakas ng pagsabog ay nasapul ang kamay ng biktima at nagtamo rin ng sugat sa iba pang bahagi ng katawan. Isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang naganap na pagsabog na gumulantang sa mga kapitbahay ng biktima.