Magsasaka kinarit ang ulo

MANILA, Philippines - Bangungot ang pagsalubong sa kapaskuhan ng pamilya ng magsasaka matapos na karitin ng isang estudyanteng nakaaway nito ang kaniyang ulo sa gitna ng inuman bago mag-Noche Buena, kamakalawa ng gabi sa Siayan, Zamboanga del Norte.

Kinilala ang nasawing biktima na si Danny Sacarez, 38, na halos lumaylay ang ulo matapos na  karitin ng suspek.

Arestado naman ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong kriminal na si Alemar Ogdao, 22,   kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng Police Regio­nal Office (PRO) 9, naganap ang insidente sa Sitio Matunog, Brgy. Poblacion, Siayan ng lalawigang ito bandang alas-11:05 ng gabi.

Sa imbestigasyon,  kasa­lukuyang nag-iinuman ang grupo ng biktima at ng suspek sa bahay ng kanilang kaibigang si Jomar Sacarez, kapatid ng nasawi nang magkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo.

Nag-init umano ang ulo ng suspek na agad kumuha ng kahoy at ipinukpok ng ilang beses sa ulo ng biktima na hindi pa nakuntento ay kinarit pa ng panggapas ng palay ang leeg nito.

Bunga naman ng tinamong malalalim na sugat sa ulo at paglaylay ng leeg ng biktima ay agad itong binawian ng buhay sa insidente.

 Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang suspek na nakatakdang litisin ng batas sa kaso nitong kriminal.

 

Show comments