Sa mismong araw ng Pasko: 2 patay sa highway mishap

Anim na sasakyan ang nagkarambola nang  banggain   ng isang forward truck ang mga nakapilang sasakyan na pa-exit sa North Luzon Expressway sa Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan. Hinihinalang nakatulog ang drayber ng truck na responsable sa insidente. (Kuha ni BOY CRUZ)  

TUGUEGARAO CITY, Philippines- Dalawa ang patay at 12 iba pa ang sugatan sa dalawang highway mishap sa San Mateo at Cauayan City, Isabela sa araw ng Pasko.
Patay ang mag-amang sina Marcos Ilardo, 44 at anak na si Michelle, 4, nang tumbukin ng sinasabing lasing na van driver ang minamanehong tricycle ng mag-ama sa Barangay Villa Magat, San Mateo.
Sa ulat na nakarating kay Sr. Insp. Romeo Pillos, hepe ng PNP San Mateo  galing sa Simbang Gabi ang pamilya ni Ilardo nang umagaw ng linya ang driver ng van na si Ryan Paul Manuel na nagtangkang mag-overtake sa isa pang sasakyan kung saan sinalpok nito ang sasakyan ng mag-ama.

Kasama si Manuel sa mga sugatan na isinugod sa pagamutan sa Santiago City, gayundin ang asawa ni Ilardo na si Marcela, 44 at mga anak na sina Manuel 21, Mark 10, Maricar 12 at Marcial 6.
Sa Cauayan City, sugatan na naisugod sa ospital ang sinasabing lasing na driver ng motorsiklong si Clifford Dupauan at sakay nitong si Larry Tuyukeg matapos nilang salpukin sa likuran ang tricycle na minamaneho ni Hermes Rodolfo sa Barangay Minante Uno.
Kasamang sugatan ni Rodolfo ang mga pasahero nitong mag-iina na sina Aida Magpantay at mga anak na sina Angel at Rodelio na kagagaling lamang sa Simbang Gabi. 
Sa Cabagan, Isabela walong katao kabilang ang tatlong kabataan ang nasagip sa Cagayan river matapos mahulog ang kanilang sinasakyang truck galing sa isang Christmas party. 
Sinasabing lasing ang driver ng truck nang makabig nito ang sasakyan dahilan upang mahulog sa dinadaanan overflow bridge.

Show comments