MANILA, Philippines – Binati muna ng advance Merry Christmas bago pinagbabaril at napatay ang beteranong barangay chairman ng barangay kagawad sa bayan ng Barotac, Nuevo, Iloilo kamakalawa.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang napatay na si Chairman Rufino Bilan ng Barangay Cabilawan habang pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na Kagawad Rolyn Trespesa.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-text pa ang suspek sa biktima na inimbitahan ito sa kaniyang bahay para magsalu-salo sa hapag-kainan.
Sa kabila ng abala sa paghahanda para sa Kapaskuhan sa kanilang barangay at pamilya nito ay pinaunlakan naman ng biktima ang paanyaya ng suspek na agad nitong pinuntahan noong Martes ng hapon.
Gayon pa man, pumapasok pa lamang sa tarangkahan ng suspek ang biktima ay agad na pinagbabaril kung saan ang umalingawngaw na mga putok ay narinig pa ng kanilang mga kapitbahay.
Napuruhan sa dibdib, leeg at ulo ang biktima habang tumakas naman ang suspek.