NORTH COTABATO, Philippines – Magkasunod na sinalubong ni kamatayan ang magkapatid na lalaki habang kritikal naman ang mag-pinsan matapos na malason sa hinapunang pritong butete kamakalawa ng hapon sa Barangay Pura, bayan ng Datu Blah Sinsuat, Maguindanao kamakalawa ng hapon.
Idineklarang patay sa Cotabato Regional and Medical Center ang mga biktima na sina Benny Urban, 26; at Coco Urban,16, mga nakatira sa Barangay Binansalan.
Kritikal namang inoobserbahan sa pagamutan ang mag-pinsan na nakilala lamang sa alyas Babylove, 15; at Johair, 4.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-3 ng hapon nang bumili ng isdang butete ang mga biktima sa pamilihang bayan sa Barangay Pinansaran kung saan prinito saka pinagsaluhan sa hapunan.
Gayon pa man, ilang oras matapos maghapunan ay nakaranas ng pananakit ng tiyan, pamamanhid ng katawan, matinding sakit ng ulo, pagsusuka ang mga biktima.
Dahil sa malayo ang nasabing ospital ay isinakay pa sa bangka ang mga biktima subalit hindi na umabot ng buhay ang mag-utol.