TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Nabahiran ng trahedya ang Christmas reunion ng isang pamilya mula sa Baguio City matapos malunod ang dalawang bata habang nagtatampisaw sa beach resort sa Barangay Samara, bayan ng Aringay, La Union kamakalawa. Kinilala ni SPO1 Gabriel Lagao ang mga biktima na sina Howard Waya,11; at Zoren Wagtingan, 8, kapwa nakatira sa Baguio City. Lumalabas sa imbestigasyon na hindi napansin ng mga kaanak ng dalawang bata na nagtampisaw kaagad sa dalampasigan matapos mananghalian kung saan ay tinangay kaagad ito ng malakas na alon palayo. Nasagip agad si Waya subalit namatay din habang ginagamot sa ospital habang ang bangkay ni Wagtingan ay narekober sa katabing bayan ng Agoo kinabukasan.