MANILA, Philippines – Nabulabog ang Christmas program matapos na arestuhin ng pulisya si Cagayan Governor Alvaro Antonio sa gymnasium ng Tuguegarao City kahapon ng tanghali kaugnay ng paglabag sa election gun ban noong Mayo 13, 20113 midterm elections.
Ayon kay P/Chief Supt. Miguel Laurel, director ng police regional office 2, dakong alas-11:30 ng tanghali nang arestuhin ng pulisya si Gov. Antonio.
Nabatid na katatapos lamang magtalumpati ng gobernador sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan kaugnay ng Christmas program na ginaganap sa gymnasium ng kapitolyo nang arestuhin ng pulisya.
Ipinatupad lamang ng pulisya ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Miraminda Cabulisan-Callangan ng Alcala Municipal Trial Court.
Naglaan naman ang korte ng P10,000 piyansa kapalit ng pansamantalang kalayaan ni Antonio.
Nabatid na nag-ugat ang kaso sa illegal discharge ng armas na kinasangkutan ng gobernador noong midterm elections noong Mayo 13, 2013.
Inihayag naman ni P/Senior Supt. Domingo Lucas, spokesperson ng PRO 2 na si Antonio ay inaresto ng pulisya kaugnay ng reklamong isinampa ni Secretary Manuel Mamba, presidential legislative liason officer na tubo naman sa bayan ng Tuao.
Isinailalim na sa booking procedure ng pulisya ang gobernador tulad ng finger printing, mugshot at medical examination.