MANILA, Philippines – Dalawa-katao kabilang ang isang sundalo ang bumulagta makaraang ratratin ng nag-amok na sundalo sa loob ng kanilang barracks sa PC Hill, Cotabato City, Maguindanao kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ni Captain Jo-ann Petinglay, spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division ang mga biktima na sina Staff Sergeant Eduardo Mutya ng 6th Civil Military Operations Battalion ng 6th Infantry Division; at Barack Estina.
Si Mutya ay nagtamo ng mga tama ng bala sa kanang leeg at dibdib habang si Estina ay napuruhan naman sa kaliwang dibdib na kapwa isinugod sa Cotabato City Medical Specialist Hospital subalit idineklarang patay.
Ayon kay Petinglay, ang suspek na si Pfc. Ian Murillo ay dinisarmahan ng M16 rifle at restricted to custody sa Division Rehabilitation and Detention Center habang nililitis ang kaso.
Sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril bandang alas-12:25 ng madaling araw sa barracks ng 6th Civil Military Operations Battalion sa Pedro Colina Hill, Rosary Heights 1.
Nabatid na ang dalawang sundalo ay magkasama sa barracks at magka-buddy pero nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil sa nawawalang gamit ng suspek na hinahanap nito sa biktima.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng kasamahan nitong sundalo bunsod upang mag-amok ang suspek at mamaril gamit ang M16 rifle.
Nadamay naman sa insidente ang naturang sibilyan na bumibisita lamang sa pinsan nitong sundalo ng mangyari ang insidente.