Ina, 2 anak, at manugang utas sa kuryente
MANILA, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa nalalapit na Kapaskuhan sa apat na miyembro ng pamilya makaraang makuryente sa sampayan ng damit sa Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa.
Kinilala ang mga namatay na sina Azucena Tan, PO1 Brian Tan, Aileen Tan-Tiu, mga anak ni Azucena at ang manugang na si Jundree Tiu.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Nerio Bermudo na isinumite sa Camp Crame, naganap ang trahedya sa East Wood Subdivision sa Barangay Baan KM 3 sa nasabing lungsod dakong alas-2 ng hapon.
Nabatid na nagkakabit ng sampayan ng damit si Azucena mula sa kanilang tahanan patungong poste sa tabing kalsada na lingid sa kaalaman nito ay konektado sa live wire.
Gayon pa man, kaagad na nagkikisay si Azucena kung saan sinaklolohan naman ng dalawang anak nito at manugang kaya pawang nakuryente ang apat.
“May illegal connection ‘yung developer ng subdivision, hindi alam nitong pamilya na bagong lipat sa lugar,” pahayag ng nasabing opisyal.
Nakatakda namang sampahan ng pulisya ng kasong multiple homicide ang developer kaugnay ng pagkamatay ng apat.
- Latest