ALBAY, Philippines – Lima katao ang nasawi matapos ma-trap sa Bicolandia Lodging House na nasunog makaraang pasabugin ang tangke ng gas ng naghuramentadong hostage taker na napaslang din ng pulisya habang tatlo pa ang nasugatan sa Daraga ng lalawigan kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ni Sr. Supt. Marlo Meneses, Provincial Police Office (PPO) Director ng Albay, isa sa mga nasawi ay kinilalang si Lino Ladronio, sinasabing nagresponde lamang sa lugar upang iligtas ang hinostage na kasintahan.
Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan sa tumimbuwang na hostage taker at apat pang nasawing biktima na na-trap sa nasabing lodging house.
Isinugod naman sa pagamutan ang tatlong nasugatan kabilang ang nagrespondeng pulis na si PO1 Bancuro Laurel na tinangkang agawin ang patalim sa hostage taker.
Ayon kay Meneses, dakong alas–2:24 ng madaling araw ng mang-hostage ang suspek ng dalawang estudyante na sina Kathleen Briones at Josie Alcovendas; pawang kolehiyala at ng canteen helper na si John dela Peña, 17 sa canteen sa tabi ng Bicolandia Lodging House na pag-aari ni Connie Condino sa Brgy. KImantong.
Pinalaya naman ng suspek matapos ang ilang oras ang mga biktima pero nasaksak nito ang nagrespondeng si Laurel.
Nagpatuloy sa paghuhuramentado ang suspek ng makitang napapalibutan ng nagrespondeng mga operatiba ng pulisya ang lugar kaya binunot ang hose ng LPG saka sinindahan bunsod upang magkaroon ng pagsabog na ikinasunog ng lodging house kung saan na-trap ang mga nasawing biktima at nabaril naman ang hostage taker na nasawi rin sa insidente.
Sa teorya ng mga awtoridad, posibleng may diperensya sa pag-iisip ang suspek at mula ito sa malayong lugar na sumakay lamang sa dumaraang bus na galing sa Visayas Region na inaalam pa kung biktima ng bagyong Yolanda at Ruby. Iniimbestigahan pa ang kasong ito. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)