3-anyos naluto sa kumukulong sopas

LAGUNA, Philippines - Hindi na uma­bot pa sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ang 3-anyos na batang lalaki matapos itong mabanlian at maluto sa kumukulong sopas sa bayan ng Victoria, Laguna  kamakalawa.

Kinilala ni PO3 Florean Buhay, Womens and Children’s desk officer ng Victoria PNP ang biktimang si Vincent Rebong ng Barangay San Roque sa nabanggit na bayan.

Ayon sa police report, nakikipaglaro ang bata sa kapwa nito bata malapit sa kawan ng nilulutong sopas nang mabangga nito ang kawan hanggang sa masabuyan ng mainit at kumukulong sabaw bandang alas-9 ng umaga.

Napag-alamang naghahanda ang pamilya Rebong para sa ikasiyam na araw na pagkamatay ng tiyuhin ng biktima.

Kaagad na isinugod sa medical center ang bata subalit dahil sa sinasabing kakulangan ng gamit medical ay inilipat ito sa Laguna Provincial Hospital noong Martes.

Nang lumubha ang lagay ng bata, inilipat ulit ito sa Philippine General Hospital noong Miyerkules ng uma­ga hanggang sa makasalubong na si kamata­yan kamakalawa ng gabi.

Sa panayam ng Victoria PNP sa mga magulang ng biktima, na-dehydrate o naubusan umano ng tubig sa katawan ang bata kaya unit-unting humina ng resistensya saka namatay.

 

Show comments