NAPOLCOM regional director timbog sa extortion

MANILA, Philippines – Bagsak kalaboso ang isang Regional Director ng National Police Commission (NAPOLCOM) 9 matapos itong maaresto sa extortion laban sa isang pulis sa isinagawang entrapment operation sa lungsod ng Zamboanga kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Sr. Inspector Dahlan Samuddin, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9 ang nasakoteng suspek na si Atty. Macapado Guro.

Bandang alas- 5 ng hapon ng masakote ang suspek sa isinagawang entrapment operation ng  pinagsanib na elemento ng Regional Intelligence Division (RID) 9, Regional Intelligence Unit (RIU)9 at Zamboanga City Police sa La Casa Maria, Brgy. Sta Maria ng lungsod na ito.

Ayon kay Samuddin, isang pulis na nakatalaga sa Isabela City, Basilan  na hindi na nito tinukoy ang pangalan ang nagreklamo sa biktima dahilan kinokotongan umano siya ng suspek kapalit ng personal na pabor.

Agad namang nagsagawa ng entrapment ope­ration ang mga awtoridad at nasakote ang suspek sa aktong tinatanggap ang P­10,000.00 marked money.  (Joy Cantos )

Show comments