Lola ‘di-nagpautang, pinatay sa sakal

BULACAN, Philippines – Pinatay sa sakal ang 66-anyos na lola ng kanyang bayaw na lalaki matapos tumangging magpautang ang matanda kamakalawa ng gabi sa Barangay Loma De Gato, bayan ng Marilao, Bulacan.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Lourdes Navajas ng Saint Apolonia Street sa Deca Homes Subd. sa nasabing barangay.

Nasakote naman ang 55-anyos na suspek na si Armando Navajas. Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Marcos Rivero, bumisita ang suspek sa bahay ng biktima para mangutang.

Gayon pa man, tumanggi ang biktima kaya sinakal siya ng suspek gamit ang hose ng tubig sa loob ng palikuran.

Namataan naman ng mga kapitbahay na nagmamadaling umalis ang suspek  mula sa bahay ng biktima kaya inusisa nila hanggang sa bumungad ang katawan ng matanda sa loob ng palikuran na may nakapalupot na hose ng tubig sa leeg.

Kaagad na ipinaabot sa pulisya ang naganap na krimen hanggang sa maaresto ang suspek sa isinagawang follow-up ope­rations.

Show comments