Testigo sa Maguindanao massacre sugatan sa pananambang

MANILA, Philippines – Natakasan ng isang bagong testigo sa Maguindanao massacre si kamatayan matapos makaligtas sa pananambang ng armadong kalalakihan kagabi.

Nagtamo ng tama ng bala sa braso si dating Salibo Mayor Kagui Akmad Ampatuan nang paulanan ng bala ng mga suspek ang kanyang itim na Toyota pickup truck sa bayan ng Guindulungan.

Sugatan din ang dalawang kasama ni Ampatuan.

Nagpapasalamat naman si Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, pinuno ng provincial peace and order council, na nakaligtas si Ampatuan na kalalagd pa lamang ng mga sinumpaang salaysay laban sa mga pangunahing suspek na sina Andal Ampatuan Sr. at Andal Ampatuan Jr.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pag-atake.

Ilang testigo na sa kaso ang nasawi dahil sa pananambang.

Kabilang ang asawa ni Mangudadatu sa mga nasawi, kasama pa ang higit 30 mamahayag nang mangyari ang karumaldumal na krimen noong Nobyembre 23, 2009.

Show comments