MANILA, Philippines – Lubog sa baha ang tatlong probinsya sa Southern Tagalog sanhi ng malakas na pag-ulan sa paghagupit ng bagyong Ruby, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Alexander Pama, kabilang sa mga lalawigang apektado ng malalim na mga pagbaha ay ang Quezon, Laguna at Marinduque.
Dumaranas ng malalim na pagbaha ang mga bayan ng Pagbilao, Brgy. Almacen at Brgy. Panaon sa bayan ng Unisan at sa bayan ng Pitogo, Quezon.
Binaha rin ang Brgy. Batuhan sa bayan ng Famy, Brgy. General Luna at Brgy. Wawa sa bayan ng Siniloan, Laguna.
Apektado rin ang siyam na bayan sa Marinduque na kinabibilangan ng mga Brgy. Malusak at Isok sa bayan ng Boac; Brgy. Nangka I, Laon, Capayang, Bintakay, Ino sa bayan ng Mogpog, at Brgy. Balilis at Hupi sa bayan ng Sta. Cruz.
Patuloy naman ang assessment na isinagawa ng mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan sa pinsalang dulot ng pagbaha sa mga apektadong lugar.