MANILA, Philippines – Nakatakas ang bihag na Swiss national matapos niyang tagain sa leeg at mapatay ang sub-commander ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa kasagsagan ng isinasagawang mortar shelling ng tropa ng mga sundalo sa Patikul, Sulu noong Sabado ng umaga.
Ayon kay Col. Alan Arrojado, Commander ng Joint Task Group Sulu, ligtas na ang biktimang si Lorenzo Vinciguerra, 49 anyos na bahagyang nagtamo ng sugat sa mukha.
Sinabi ni Arrojado, bandang alas-5 ng umaga habang nagpapaulan ng artillery fires ang tropa ng mga sundalo sa Sitio Nangka, Brgy. Kulambu, Talipao, Sulu malapit sa Mount Bagsak na kinaroroonan ng kuta ng mga bandidong kidnapper ay sinamantala ng bihag na dayuhang si Vinciguerra.
Agad na inagaw ni Vinciguerra ang matalas na itak ni ASG sub-commander Juhurim Hussien at tinaga ito sa leeg na siyang ikinasawi ng nasabing lider ng mga bandido.
Pagkapatay sa ASG leader, mabilis na nagtatakbo patakas ang dayuhan subalit hinabol ng mga tauhan ni Hussein at pinaputukan si Vinciguerra.
Habang nagkakahabulan, suwerte namang nasabat si Vinciguerra ng tropa ng 1st Scout Ranger Battalion at 3rd Scout Ranger Company na nagsasagawa ng law enforcement at rescue operations sa Brgy. Timpook, Patikul, Sulu at iniligtas mula sa mga humahabol nitong kidnapper.
Nang makita ang presensya ng militar, nagsitakas umano ang mga bandidong Abu Sayyaf sa takot na makasagupa ang puwersa ng mga sundalo.
Agad na dinala sa Station Hospital sa Busbus, Jolo, Sulu si Vinciguerra para malapatan nang lunas.
Magugunita na si Vinciguerra at ang kasamahan nitong birdwatchers na si Ewold Horn ay binihag ng mga bandido sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi noong Pebrero 1, 2012 saka dinala at itinago sa Sulu.