MANILA, Philippines - Tatlo sa mga bandidong Abu Sayyaf ang napaslang habang dalawa namang sundalo ang nasugatan matapos sumiklab ang panibagong bakbakan sa bulubunduking bahagi ng Tipo-Tipo, Basilan kahapon ng umaga. Sa ulat ni Col. Rolando Bautista, commander ng Joint Task Force Basilan, naganap ang engkuwentro habang nagsasagawa ng operasyon ang Army’s 18th Infantry Battalion laban sa grupo nina Abu Kumander Furudji Indama at Nurhassan Jamiri sa liblib na bahagi ng Sitio Limbo Casa sa Brgy. Magcawa sa nasabing bayan. Ang inilatag na law enforcement operations ay alinsunod sa direktiba ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. na malipol ang mga nalalabi pang bandido na isinasangkot sa kidnapping, ambushcades, pambobomba, at pamumugot sa mga hostages.