Ka-live-in ni misis, itinumba ni mister

MANILA, Philippines – Dahil sa matinding panibugho, pinagbabaril at napaslang ng isang mister ang lala­king bagong kinakasama na ipinagpalit sa kaniya matapos magkahiwalay ang misis sa pa­nibagong karahasang naganap sa Zone 7, Barangay Cawit, Zamboanga City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.

Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Jayson Galicia habang pinaghahanap naman ang suspek na si Jimmy “Jimboy” Unsali ng Barangay Sta. Catalina sa nabanggit na lungsod.

Sa ulat ng Zamboanga City PNP na isinumite sa Camp Crame, naganap ang krimen sa bahay ng misis kasama ang mga anak nito at kapiling ang biktima.

Nabatid na pinuntahan ng suspek ang bahay ng kaniyang misis para bisitahin ang kanilang mga anak nang abutan nito sa sala ang biktima na kinakasama ng nakahiwalayan nitong asawa.

Gayon pa man, muling nabuhay ang panibugho ng suspek na tuluyang gumuho ang pag-asa na magkabalikan pa sila ng kanyang misis.

Agad na pinagbabaril at napatay ng suspek ang biktima.

Narekober sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy ang imbestigasyon.

Show comments