MANILA, Philippines – Apat-katao ang napaslang habang apat naman ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army ang isang ambulansya sa Road 2, Barangay Marfil, bayan ng Rosario, Agusan del Sur kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga napatay na sina Neljoy Cerna, 27; Noni Mabong, 51; Alfredo Cerna, 51; at si Vanessa Sabas, 30, mga nakatira sa nasabing bayan.
Sugatang ginagamot sa ospital sina Liza Casilla, 47; Elmer Adonis, 37; Mae Roselyn Adonis, 8; at si Chairman Emilio Solidor Jr., 49, ng Barangay Marfil sa nabanggit na bayan.
Sa ulat na nakarating kay 1st Lt. Jolito Borces, civil military operations officer ng Army’s 4th Infantry Division, tinambangan ng mga rebelde ang ambulansyang sinasakyan ng mga biktimang pauwi na sana pagsapit sa nasabing lugar. Na may dalawang kilometro lamang ang layo mula sa Wayside Bible Baptist Church sa Sitio Latay.
Nabatid na ginamit ni Chairman Solidor ang ambulansya bilang service vehicle ng kanilang barangay kung saan nakisakay lamang ang mga sibilyan.
Napag-alamang katatapos lamang na dumalo ni Chairman Solido sa selebrasyon sa Wayside Bible Baptist Church na ini-host ni Pastor Wenefredo Daguimol.
Sa inisyal na imbestigasyon, si Chairman Solidor ang target ng mga rebelde sa tambangan kung saan nadamay ang mga sibilyan.