NUEVA ECIJA, Philippines – Patay ang isang 29-anyos na welder habang sugatan naman ang kasamahan nito makaraang pagbabarilin sila ng dalawang hindi pa nakilalang motorcycle riding-in-tandem na mga salarin sa Purok 2, Brgy. Balaring, General Natividad sa lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang namatay na biktima na si Philip Gamboa, 29, may-asawa at welder ng Brgy. Balaring ng bayang ito.
Nakilala naman ang sugatang biktima na si Juanito Reyes, 35, may-asawa at welder din ng nasabing barangay. Nagtamo naman ng mga tama ng bala sa gawing kanan ng kanyang kanang binti at gawing pigi na nilalapatan nang lunas sa Dr. Paulino Garcia Hospital sa Cabanatuan City.
Nabatid na matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang dalawang suspek sa direksyon ng bayan ng Rizal sa nasabi ring lalawigan. Iniimbestigahan na ang motibo ng krimen.