BULACAN, Philippines – Amin-katao ang inaresto sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad matapos salakayin ang apat na bahay na sinasabing shabu tiangge sa Barangay Bayugo, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng umaga.
Pormal naman na kakasuhan ang mga suspek na sina Ibrahim Parok, 29, ng Pasig City; Raymond Tengco, 28; Melvin Sabus, 40, kapwa nakatira sa Brgy. Ibayo sa bayan ng Marilao; Cabugatan Gasa, 58, ng Brgy. Bayugo at ang mag-utol na sina Jalilah Tunday, 32, ng Brgy. Bayugo; at Jamil Tunday, 23, ng Tanza, Cavite.
Pinaghahanap naman ang dalawang suspek na sina Pao Masurong at Jameel Masarong na kapwa nakatira sa Northville-3 sa nasabing barangay.
Sa ulat ng PDEA-Region 3, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Phil. Drug Enforcement Agency, lokal na pulisya at mga sundalo ng Armed Forces of the Phils. ang apat na bahay sa Northville-3 sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Alexander Tamayo ng Malolos City Regional Trial Court Branch 15.
Nakarekober sa apat na bahay ang P24,000 halaga ng shabu, isang brick ng pinatuyong dahon ng marijuana, dalawang weighing scale at mga drug paraphernalia.
Sa tala ng pulisya, nauna nang salakayin ang nasabing lugar noong April 29, 2014 kung saan 10-katao ang nasakote at nasamsam ang P.5-milyong halaga ng shabu.