NORTH COTABATO, Philippines – Dalawa sa tatlong armadong kalalakihan na nagtangkang mangholdap sa gasolinahan ang napatay makaraang sumiklab ang barilan noong Martes ng hapon sa Barangay Pag-asa, bayan ng Mlang, North Cotabato.
Kinilala ni P/Senior Supt. Danilo Peralta, North Cotabato PNP director ang mga napatay na sina Antonio Balgos Benitez, 35, ng Kimpo Subd. Kidapawan City; at Jared Fulgencio, 33, ng Barangay Libertad, Makilala, North Cotabato.
Arestado naman ang kasamang holdaper na si Adrian Lopez Lalen, 33, ng Kidapawan City, North Cotabato.
Base sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Joan Resurrecion, hepe ng Mlang PNP, lumilitaw na nagkunwaring magpapagasolina ang tatlong lulan ng motorsiklo.
Gayon pa man, napuna na ng mga gasoline boy ang kaduda-duda ikinikilos ng tatlo na pawang naka-bonnet.
Dito na lumapit sa kahera si Benitez at nagdeklara ng holdap subalit agad na pinaputukan ng security guard habang inagaw naman ng isang pump attendant na si Isko ang baril ng isa pang holdaper.
Pinaputukan at napatay ng gasoline boy ang dalawang holdaper subalit nagawang makatakbo ni Lalen tangay ang P5,000 cash pero nasakote naman malapit sa Cafgu detachment.
Pararangalan naman ng lokal na pamahalaan ang gasoline boy dahil sa kanyang kabayanihan matapos pigilan ang naganap na holdapan sa nasabing barangay.