MANILA, Philippines – Dalawang tinedyer na babae ang napatay habang anim naman ang nasugatan matapos na mamamaril ang isang barangay kagawad sa peryahan sa Barangay Poblacion, bayan ng Libacao, Aklan kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng tama ng bala ng shotgun sa ulo ang mga biktimang sina Antolina Ricablanca, 16; at Sarah Kaye Viray, 14, habang isinugod naman sa Aklan Provincial Hospital ang mga sugatang sina Gilda Nalangan, 37; Clerey Javier,18; Jay-R Agudez, 21; Ariel Idala, 17; at si Kaycee Sapatos, 14.
Pinaghahanap naman ang suspek na si Kagawad Jonathan Felix na itinurong nagpaputok ng baril sa kasagsagan ng selebrasyon ng piyesta sa nasabing barangay.
Sa ulat ni P/Insp. Jerick Vargas, hepe ng Libacao PNP na isinumite sa Camp Crame, nabatid na kinompronta ng suspek si Agudez kaugnay ng alitan ng kanilang pamilya sa ubusan ng lahi bunga ng nakawan ng alagang hayop partikular na ang kalabaw.
Sa gitna ng pagtatalo ay bigla na lamang pinaputukan ng suspek si Agudez na nasa malubhang kalagayan ngayon.
iIang beses ding nagpaputok ang suspek kaya tinamaan ang mga biktimang naglalaro sa peryahan kung saan napatay sina Ricablanca at Viray.