MANILA, Philippines - Tatlo katao ang patay at 22 pa ang sugatan sa panibagong pagpapasabog ng bomba sa probinsya ng North Cotabato, Linggo ng gabi.
Kinilala ni M'lang Mayor Joselito Piñol ang mga nasawi na sina John Camiring, Jade Villarin at Francis Rio.
Ayon kay Piñol, dalawang lalaking nakamotor ang hinihinalang nag-iwan ng bomba sa loob ng isang bilyaran sa town proper ng M'lang bandang 7 p.m.
Aniya, ginamitan ng mobile phone bilang remote detonator ang naturang bomba na gawa sa live mortar projectile na pinalamanan ng mga pira-pirasong bakal.
Walang pang grupong umaako sa panibagong pagpapasabog sa probinsya, ngunit hinala ng mga awtoridad ay ang rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Frighters ang nasa likod ng pag-atake.
Hinikayat na ni Piñol ang mga miyembro ng municipal peace and order council na tulungan ang mga awtoridad upang mabilis matukoy ang mga taong responsable sa pag-atake.
Samantala, inako na ng provincial government ang gastusin ng mga pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa pambobomba.