11-anyos lunod sa pool
NORTH COTABATO, Philippines – Masyadong maaga ang pagsalubong ni kamatayan sa 11-anyos na bata matapos itong malunod sa swimming pool ng Water Land Resort sa Barangay Osias, bayan ng Kabacan, North Cotabato kahapon.
Idineklarang patay sa Kabacan Polymedic Cooperative Hospital ang biktimang si Claude Niko De Guzman Orquillo ng Barangay Kadingilan sa Bukidnon.
Sinasabing naiwan mag-isa ang bata na naliligo sa swimming pool kung saan namataan ito ng isa sa dalawang lifeguard attendant na palutang–lutang.
Kaya kaagad na sinaklolohan at dinala sa nasabing ospital.
Sa panayam ng dxVL Radyo ng Bayan sa katiwala ng resort na si Alex Caligsan, dalawang lifeguard attendant ang nakatutok sa mga naliligo sa swimming pool subalit hindi na napansin ang biktima dahil na rin sa naka-lunch break ang isa sa lifeguard.
Samantala, sasagutin naman ng pamunuan ng Waterland Resort Management ang lahat ng gastusin sa biktima pati na rin ang pagpapalibing.
- Latest