BULACAN, Philippines – Kalaboso ang 19-anyos na babae na sinasabing miyembro ng carnapping syndicate matapos itong makumpiskahan ng motorsiklong nakaw sa inilatag na checkpoint sa Barangay Taal, bayan ng Pulilan, Bulacan kahapon. Pormal na kinasuhan ng pulisya ang suspek na si Felomina Buenseciso ng Antipolo City, Rizal. Ang suspek na walang helmet at walang kaukulang papeles ang gamit na motorsiklo ay inaresto ng pulisya. Sa beripikasyon ng pulisya, ang nasamsam na motorsiklo na pag-aari ni Jimmy Dela Cruz ng Candaba, Pampanga ay nasa talaan ng PNP Highway Patrol Group na kinarnap habang nakaparada sa Brgy. Poblacion, bayan ng Baliwag, Bulacan noong Biyernes ng umaga (Oktubre 31).