MANILA, Philippines – Patay ang beteranong bise alkalde matapos na pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa pag-aari nitong resto bar sa bayan ng Villaba, Leyte kahapon ng tanghali. Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Inspector Miguelito Bucadi, hepe ng Villaba PNP ang biktima na si Villaba Vice Mayor Claudio Martin. Nagtamo ng pitong tama ng bala sa katawan ang biktima kung saan nagawa pang maisugod sa Ospital ng Ormoc City subalit namatay din. Napag-alamang kararating lamang ni Martin sa kaniyang resto bar mula sa pagpupulong ng Sangguniang Bayan sa munisipyo ng Villaba at nagpapahanda ito ng pananghalian sa kaniyang mga waitress nang lapitan at pagbabarilin. Mabilis na tumakas ang gunmen sakay ng motorsiklo habang narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal .45 pistol at cal. 9mm.