1 patay, 16 sugatan sa North Cotabato blast

Ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang itinuturong nasa likod ng pagsabog sa Kabacan, North Cotabato kagabi. File photo

MANILA, Philippines – Utas ang isang college student habang 16 ang sugatan sa pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) malapit sa isang elementary school sa bayan ng Kabacan kagabi.

Nakilala ang nasawing biktimang si Monique Mantawil, isang development communication student sa University of Southern Mindanao.

Nasawi si Mantawil habang isinusugod sa ospital. Nagtamo siya ng tama ng shrapnel sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Sugatan naman sina Giezel Mae Butil, Samra Sembaga, Hartzel Bragat, Tonton Kusain, Flo Rohana, Girlie Royless, Rowena Nufies, Albert Palakpak, Ritchie Baguio, Queen Mary Alimuhanid, Muhamed Masukat, Ibrahim Bantulan, Arvie Estrella, at Mervin Lagat..

Ayon sa mga awtoridad, gamit ang cellphne ay pinasabog ang IED bandang alas-7 ng gabi malapit sa gate ng Kabacan Central Pilot Elementary School na sakop ng Barangay Poblacion.

Ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang pinaghihinalaang nasa likod ng pag-atake.

Samantala, dalawa pang IED ang nadiskubre at nadisarmahan ng mga awtoridad.

Nag-alok na si Gov. Emmylou Talino-Mendoza ng P100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakahuli ng mga nasa likod ng pagsabog.

Show comments