NUEVA ECIJA, Philippines – Patay ang dalawang lola habang tatlo naman ang nasugatan makaraang sumalpok ang pampasaherong jeepney sa burol sa gilid ng Pantabangan-Baler Road sa Sitio Magitel, Barangay Cadaclan sa bayan ng Pantabangan, Nueva Ecija noong Miyerkules ng hapon. Kinilala ang dalawang namatay na sina Donata Bernabe, 78, ng Barangay Napon-Napon at Gertrudez Molina, 70, ng Barangay Cadaclan. Sugatang naisugod sa ospital sina Alejandro Parica, 43, driver ng jeepney; Jaylord Tomboc, 26; at Analiza Asuncion, 40, mga nakatira sa Barangay Cadaclan. Base sa police report, nawalan ng preno ang pampasaherong jeepney (CKR-297) ni Parica kaya nawalan ito ng kontrol sa manibela pagsapit sa zigzag road kung saan nagtuluy-tuloy na sumalpok sa burol.