3 mag-uutol patay sa sunog

MANILA, Philippines – Hindi pinalagpas ni kamatayan ang tatlong magkakapatid makaraang makulong ang mga ito sa nasusunog nilang bahay sa bayan ng Patikul, Sulu, ayon sa ulat kahapon.

Sa naantalang ulat kahapon ng Bureau of Fire Protection sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, kinilala ang mga biktima na sina Ashaid Usman, 4; Fatima Ayesha Usman, 3; at si Mohammand Khan, Usman, 2; mga nakatira sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.

Base sa police report na isinumite sa Camp Crame, naiwan ang magkakapatid sa kanilang bahay dahil  ang kanilang mga magulang ay mga guro na pumasok na sa trabaho.

Nabigong mailigtas ng mga kapitbahay ang mga biktima dahil nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan.

Pag-uwi ng mag-asawa mula sa eskuwelahan ay bumungad ang nasunog na bahay kung saan naabo ang kanilang mga anak. Pinaniniwalaan namang naglaro ng posporo ang magkakapatid na pinagmulan ng apoy na tumupok sa kanilang bahay.

Show comments