14-anyos nakipag-date sa textmate, niluray

MANILA, Philippines - Napariwara ang 14-anyos na dalagita na sinasabing nakipag-eye ball sa kaniyang ka-textmate matapos itong gahasain sa Barangay Maasin, Zamboanga City kamakalawa ng gabi.

Lumuluhang dumulog sa pulisya ang biktimang itinago sa pangalang Sunshine, estudyante at residente ng Barangay Capisan sa nasa­bing lungsod.

Arestado naman ang suspek na si Alvin Manolo, 23, ng Barangay Malagutay.

Lumitaw sa imbestigas­yon ng pulisya na nakipagpalitan ng text ang biktima sa suspek hanggang sa magkasundong magkita sa bahay ng kapatid noong Martes ng gabi (Nob. 4).

Gayon pa man, nagpahatid ang dalagita sa suspek na uuwi na dahil tumakas lamang sa kanilang bahay pero sa halip na ihatid ay dinala sa bahay ng kaibigan sa nabanggit na barangay.

Pinilit ng suspek ang biktima na magpalipas ng gabi at kinabukasan na lamang ihahatid sa kanilang bahay pero nagpumilit ang dalagita na umuwi kaya siya ikinulong sa kuwarto at hinalay.

Matapos ang krimen ay pinauwi na ng suspek ang biktima kung saan nagsumbong naman sa kaniyang ina.

Itinurnover naman sa kustodya ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong kriminal.

 

Show comments