UP Baguio binulabog muli ng bomb threat
MANILA, Philippines – Sa ikalawang pagkakataon, binulabog muli ng bomb threat ang University of the Philippines (UP) Baguio na ipinagpanik ng mga estudyante, empleyado at professor sa nasabing unibersidad kahapon.
Base sa ulat ng Baguio City Police, bandang alas-9 ng umaga ng makatanggap ng text message ang mga guro at estudyante sa College of Arts and Communication mula sa hindi nagpakilalang texter hinggil sa bomba umano na itinanim sa kolehiyo at malapit ng sumabog kaya naman agad na tumawag sa himpilan ng pulisya ang pangasiwaan ng Unibersidad.
Mabilis namang nagresponde ang mga operatiba ng Explosives and Ordinance Team ng Baguio City Police bitbit ang mga K 9 dogs, ngunit negatibo naman sa anumang eksplosibo ang unibersidad.
Bago magtanghali ay pinabalik na rin sa kanilang klase ang mga estudyante, professors at empleyado. Unang binulabog ng bomb threat ang UP-Baguio noong Agosto 27 ng taong ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy kung sino ang walang magawa sa buhay na nananakot sa mga estudyante at professor sa unibersidad.
- Latest